Tatlong Kwento ng Buhay ni Julian Candelabra
ni Lualhati Bautista dela Cruz
Tungkol sa Manunulat
Si Lualhati Torres Bautista dela Cruz ay isa sa mga primyadong Pilipinang manunulat sa kasaysayan ng kontemporaryong panitikan ng Pilipinas. Ipinanganak siya sa Tondo, Maynila noong Disyembre 2, 1945. Siya ay nagtapos ng elementarya sa Emilio Jacinto Elementary School noong 1958, at nagtapos ng high school sa Torres High School noong 1962. Si Bautista ay nagpatuloy ng kanyang pag-aaral sa Lyceum of The Philippines, ngunit lumisan sa paaralan bago pa man matapos ang kanyang unang taon ng kolehiyo. Siya ay nagsilbing bise-presidente ng Screenwriters Guild of the Philippines, at naging kasapi ng University of the Philippines Creative Writing Center.
Si Lualhati Bautista ay hindi lamang nobelista kundi manunulat din para sa telebisyon at sa pinilakang tabing. Ilan sa kanyang mga akda ay Sakada (1975) at Bulaklak sa City Jail (1984). Dalawa sa kanyang maiikling katha ang nagwagi ng Carlos Palanca Memorial Award. Ang Tatlong Kuwento ng Buhay ni Juan Candelabra ay nagwagi ng unang gantimpala noong 1982, at ang Buwan, Buwan, Hulugan mo Ako ng Sundang ay nagkamit ng ikatlong gantimpala noong 1983. Ilan pa sa kanyang mga tanyag na nobela ay ang Gapô (1980), Dekada ’70 (1983), at Bata, Bata…Paano Ka Ginawa? (1984).
Mga Tauhan
- Julian Candelabra – ang pangunahing tauhan. Siya ay may mabuting pagkatao ngunit madaling matukso
- Aling Sandra – ina ng Bong. Ang pamilya nila ay tinaguriang “may kaya” sa kanilang lugar. Pinagkakatiwalaan niya si Julian hanggang sa mahuli niya ito na nagnanakaw
- Bong – kalaro ni Julian na nakababata sa kanya ng dalawang taon. Anak ni Aling Sandra
- Aling Connie – kapitbahay nina Julian. May-asawa na, ngunit natipuhan niya si Julian at nagkaroon sila ng relasyon
- Mang Felix – asawa na Aling Connie
- Ma’am – boss ni Julian sa hotel na kanyang pinapasukan. Sa galit ay napatay siya ni Julian
- Magulang ni Julian – Ang kanyang ama ay may mabigat na kamay, ngunit mahal niya nag kanyang anak. Ang ina niya ay walang magawa nang gulpihin si Julian ng kanyang ama nang siya’y nahuling nagnakaw kay Aling Sandra
Buod
Si Julian ay isang batang galing sa pamilyang hindi ganoong pinagpala sa salapi, ngunit mabuting tao ang kanyang mga magulang. Ang pamilya ng kanyang kalarong si Bong ay nakaaangat sa kanila. Ang ina ni Bong na si Aling Sandra ay pinagkakatiwalaan si Julian sa mga gawain at sa pagbabantay kay Bong. Iniiwan lamang ni Aling Sandra ang kanyang pitaka sa kanilang platera, at isang araw ay naisipan ni Julian na kumupit mula roon. Gusto kasi niyang bumili ng sisiw, ngunit walang-wala siyang pera. Nahuli siya ni Aling Sandra at nagsumbong ito sa ama ni Julian. Si Julian ay ginulpi ng kanyang ama, at nag-iba na ang trato sa kanya ng kanyang mga kapit-bahay.
Ilang taon ang lumipas. Isa nang disisiyeteng taong gulang na binata si Julian. Hindi pa rin nakakalimot ang taong-bayan sa ginawang pagnanakaw ni Julian kay Aling Sandra, at dahil dito ay ilang nang makihalubilo sa kanyang mga kapitbahay si Julian. Ngunit bukas-loob siyang tinatanggap ni Aling Connie, at maganda ang pagtrato nito kay Julian. Inuutus-utusan niya ito, at binibigyan ng mga muting gantimpala. Isang gabi, habang wala ang asawa ni Aling Connie na si Mang Felix, nagkaroon ng relasyon ang dalawa. Hindi nagtagal ay nalaman ni Mang Felix ang nangyari at tumakas at nagtago si Julian.
Matapos ang ilang panahon ay bumalik si Julian sa kanilang lugar. Siya ay namasukan bilang waiter sa isang malaking hotel, ngunit isa lamang siyang “temporary waiter”. Dahil dito, hindi pare-pareho ang sahod na kanyang natatanggap bawat buwan, at madali siyang matatanggal sa tarabaho kung naisin ng kanyang superyor. Isang araw ay nahuli si Julian na kumakain nang wala sa oras, na labis na ipinagbabawal ng kanyang boss. Siya ay tinanggal sa trabaho at sa galit ay sinakal at napatay niya ito. Nagtatapos ang kwento sa hukuman kung saan humaharap si Julian sa kasong pagpatay, at isa lang ang nasabi niya, ang kanyang paulit-ulit na dahilan kung bakit niya nagawa ang kayang mga pagkakasala: “Hindi ko po napigilan ang aking sarili!”
Pagsusuri
Ang kwento ng Tatlong Kwento ng Buhay ni Julian Candelabra ay tungkol sa buhay ng isang lalaki, at ang mga pangyayaring nagbunga ng kasamaan dahil sa kanyang kawalan ng control sa kanyang sarili. Ipinakita ang pagiging mahina ng pangunahing tauhan na si Julian. Hindi nagawang pigilan ni Julian ang kanyang sarili kaya naman siya ay napapahamak. Hindi niya nagawang huwag mangupit ng pera sa kapitbahay niyang si Aling Sandra, hindi niya nakontrol ang sarili kaya may nangyari sa kanila ni Aling Connie, at hindi rin nito napigilan ang sarili sa pagpuslit ng pagkain sa pinagtatrabahuan niya kaya naman napaalis siya sa trabaho. Ngunit, dahil sa labis na pagkagalit, napatay niya ang kanyang bisor. Sa bawat pagkakataon, iisa lang ang sagot ni Julian kung bakit niya nagawa ang kanyang mga kasalanan. Ang dahilan raw umano ay tukso, at hindi niya raw nagawang pigilan ang kayang sarili. Hanggang sa hukuman, ito lamang ang madahilan niya. Makikita sa akda na dahil sa pagkawala ng kontrol ng tao sa sarili, tuluyan silang nalalagay sa panganib.